M-16 rifles na ginamit sa Basilan ambush, isinuko
COTABATO CITY, Philippines — Isinuko sa militar nitong Huwebes ng mga community leaders ang dalawang M-16 assault rifles na ginamit sa pag-ambush nitong August 12 ng mga tropang magsasagawa sana ng medical mission sa Ungkaya Pukan, Basilan na nagsanhi ng pagkamatay ng isang sundalo at isang pulis.
Magkasanib na mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front, dating rebeldeng grupong may peace agreement na sa pamahalaan, at mga opisyal ng mga Army units sa Basilan ang naghatid ng naturang mga baril kay Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade na sakop ang lahat ng bayan at dalawang lungsod sa naturang probinsya.
Ayon kay Luzon, ang dalawang M16 assault rifles ay kusang-loob na isinuko ng mga kamag-anak ng mga nasangkot sa pag-ambush sa isang grupo ng mga sundalo sa Barangay Ulitan sa Ungkaya Pukan na nagsanhi sa pagkamatay ni Army Pvt. Marjohn Tenido at ni Police Patrolman Abdurafic Acalun, at pagkasugat ng walong iba pang sundalo na kapwa kasapi ng 64th Infantry Battalion.
Ang dalawang M16 rifles ay pormal na na-iprisinta ng mga opisyal ng 101st Infantry Brigade kina Defense Secretary Gilbert Teodoro, Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim at Secretary Carlito Galvez, Jr. ng Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity at DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. sa isang seremonyang ginanap nitong Huwebes sa Isabela City, Basilan.
Ayon kay Galvez, nagtulungan sa paghikayat ang mga miyembro ng MILF ceasefire committee, ang mga emisaryo ni Basilan Gov. Jim Salliman at mga residente ng Ungkaya Pukan sa paghanap sa naturang M16 rifles na ipinatago sa mga kakilala ng mga suspek sa August 12 ambush bago nagsitakas.
- Latest