MANILA, Philippines — Isang pulis ang nasawi sa engkuwentro sa isinagawang buy-bust operation sa Lambayong, Isulan, Sultan Kudarat nitong Huwebes.
Nakilala ang biktima na si Police Chief Master Sgt. Dominic Minaling, nakatalaga sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Lambayong Police Station.
Sa report na tinanggap ni PCol. Christopher Bermudez, Sultan Kudarat police director, nagsagawa ng entrapment operation ang Lambayong DEU sa pangunguna ni PMajor Rodney Binoya laban kay Morcid Menang Samal na hinihinalang high-value drug peddler.
Tinungo ng mga awtoridad ang tindahan ng mga piyesa ng motorsiklo ni Samal sa Brgy. Poblacion.
Subalit nakatunog umano si Samal na mga pulis ang kaniyang ka-transaksiyon kaya agad itong nagpaputok at tinamaan si Minaling.
Nabatid na limang kasamahan pa ni Samal ang dumating na humantong sa palitan ng putok.
Nagsitakas din ang mga kasamahan ni Samal at naiwan siya na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto. Nakumpiska sa kanya ang isang .45 caliber pistol.
Nahaharap si Samal sa mga kasong pagtutulak ng illegal na droga, illegal possession of firearms, at homicide.