MANILA, Philippines — Narekober kahapon ng mga elemento ng Highway Patrol Group-Calabarzon unit sa sabay-sabay na operasyon sa Metro Manila at Laguna ang tatlong magagarang sasakyan na sangkot sa pinakabagong scheme na bumibiktima sa mga may-ari ng sasakyan, negosyante at indibidwal.
Sinabi ni Col.Rommel Estolano, bagong itinalagang direktor ng HGP4A, na isang guro, negosyante at may-ari ng sasakyan ang lumutang sa kanilang opisina upang humingi ng tulong na mabawi ang kanilang mga sasakyan.
Iginiit ng mga biktima na sila ay naging biktima ng pinakabagong scheme na tinatawag na ‘Assumed Balance/Sangla scheme at Labas Casa-Assume Balance accommodation’ ng isang organisadong carnapping group at indibidwal na mga tao.
Agad namang iniutos ni Estolano na magsagawa ng anti-carnapping operations para sa posibleng pagbawi ng mga sasakyan at pagdakip sa mga suspek.
Itinago ni Estolano ang pagkakakilanlan ng mga suspek kabilang ang isang aktibong PAF major, rent a car owner at isang umano’y pinuno ng Ares Alvarado ring na sangkot sa carnapping syndicate at pinakamalaking car scheme.
Nakatakdang sampahan ng kasong criminal,estafa at carnapping ang mga naarestong suspek sa piskalya.
Sinabi ni Estolano na wala ang mga suspek sa mga operasyong isinagawa ng mga binuong tracker team operatives sa kani-kanilang tirahan.
Nasa kustodiya ng isang aktibong PAF major ang isang itim na Toyota Hilux pick-up na narekober sa Brgy. Lanca, Marikina City; ang Mitsubishi Strada pick-up na narekober sa kahabaan ng kalsada malapit sa commercial store sa Cabuyao City, habang isang Toyota Vios sa Santa Cruz, parehong nasa Laguna.