CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Patuloy ang isinasagawang operasyon ng mga otoridad upang mahanap ang isang mangingisda na napaulat na nawawala makaraang pumalaot sa bahagi ng Pacific Ocean upang manghuli ng pusit.
Base sa ulat ni Quezon Police Provincial Office Director PCol. Ledon Monte, kinilala ang nawawalang mangingisda na si Rodel Armada alyas “ Odak”, 52-anyos at residente ng Purok 7 Sapam Palay, Barangay San Juan, Panukulan, Quezon.
Ayon sa Panukulan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bandang alas-2:00 ng hapon kamakalawa nang umalis mula sa Sapam Palay Port si Armada at ng kanyang mga kasamang mangingisda subalit sa gitna nito ay naghiwalay ang kanilang mga bangka at nawala umano ang bangkang pangisda ni Armada.
Agad na ipinagbigay-alam ng mga mangingisda sa awtoridad ang pagkawala ni Armada.
Nagkasa na ng search and rescue operation ang awtoridad sa karagatan kasabay ng patuloy na pakikipag-ugnayan nila sa mga kalapit na munisipalidad upang mapabilis ang paghahanap sa naturang nawawalang mangingisda.