3 probinsya ng BARMM, may bagong anti-terror task force

Pormal nang inilunsad ang Basilan contingent ng bagong anti-terror “Task Force Orion” nitong Lunes sa headquarters ng 101st Infantry Brigade sa Isabela City, Basilan.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Binuwag na nitong Lunes ang mga hiwalay na anti-terror task force sa Basilan at Sulu na napalitan ng bagong tatag na mas malaking “Task Force Orion” na sasakop sa dalawang nasabing probinsya at maging sa Tawi-Tawi.

Ito ang kinumpirma nitong Martes ni Lt. Gen. Steve Crespillo, commander ng Western Mindanao Command at ni Brig. Gen. Alvin Luzon na siyang namumuno ng 101st Infantry Brigade sa Basilan.

Agad na nagpahayag ng suporta sa peacekeeping missions ng Task Force Orion ang mga local executives sa Basilan, kabilang na sina Gov. Jim Salliman at Lamitan City Mayor Roderick Furigay.

Ayon kay Crespillo, saklaw ng security ope­rations ng bagong mas malaking Task Force Orion ang lahat ng bayan sa mga probinsya ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Tiniyak nitong Martes ni BARMM Local Go­vernment Minister Naguib Sinarimbo ang suporta ng kanyang tanggapan at ng mga provincial directors ng Ministry of the Interior and Local Govern­ment sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi sa mga programa ng Task Force Orion na naglalayong tuluyan ng mapasuko ang mga natitira pang mga kalaban ng pamahalaan sa naturang mga probinsya.

Batay sa mga doku­mentong mula sa 101st Infantry Brigade, sa WestMinCom at sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, aabot na sa 393 na mga kasapi ng Abu Sayyaf sa Basilan ang nagbalik-loob na sa pamahalaan mula 2016 sa pagtutulungan ni Salliman at mga local government units sa probinsya.

Show comments