COTABATO CITY, Philippines — Nadagdagan ng 20 pang dating armadong bandido na kalaban ng gobyerno ang natuto ng modernong pamamaraan ng pagsasaka na kanilang kailangan sa pagbabagong buhay matapos ang mahabang panahon na pagkakasangkot sa mga kaguluhan.
Ang 20 na Maranao mula sa iba’t ibang bayan sa Lanao del Sur na lumahok sa Agricultural Crops Production National Certificate III Skills Training sa bayan ng Bubong na nagtapos nitong Biyernes ay tumanggap din ng support fund na tig-P11,260 bawat isa bilang inisyal na ayuda mula sa Bangsamoro government.
Nagpahayag ng kagalakan nitong Linggo si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. sa magkatuwang na pagsagawa ng naturang agricultural skills training ng dalawang ahensiya ng Bangsamoro government, Ministry of the Interior and Local Government at Ministry of Basic, Higher and Technical Education, bilang suporta sa programang “Tulong Ng Gobyernong Nagmamalasakit,” mas kilala na “Project Tugon” sa buong rehiyon.
Ang Project Tugon ay isa sa mga flagship programs ng MILG-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na may mga inisyatibong naglalayong mapagaan at mapabilis ang pagbabagong buhay ng dating mga kasapi ng mga armadong grupo na sumuko na sa pamahalaan katulad ng Abu Sayyaf, ng Dawlah Islamiya at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at sa Western Mindanao Command ng militar, una nang nakatulong ng nakalipas na walong buwan ang Project Tugon sa 634 na mga dating mga kalaban ng pamahalaan, ilan sa kanila ay mga dating miyembro ng Abu Sayyaf at Dawlah Islamiya, sa anim na mga probinsya ng BARMM na kinabibilangan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Ang naturang mga benepisyaryo ng Project Tugon ay nabigyan din ng ayuda ng Rapid Emergency Action on Disaster Incidence-BARMM na pinamumunuan ni MILG Minister Naguib Sinarimbo.