COTABATO CITY, Philippines — Pasado na ang Bangsamoro Local Governance Code (BLGC) matapos ang 3-taong deliberasyon ng regional parliament at mga resource persons mula sa iba’t ibang panig ng autonomous region.
Bunsod nito, nagalak hindi lamang mga taga-Bangsamoro Autonomous Region kundi maging ang ilang local officials na hindi sakop ng Bangsamoro government sa pagkakapasa ng BLGC nitong Huwebes,
Sa isang opisyal na pahayag nitong Sabado, tiniyak ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño Mendoza ang suporta sa pagpapatupad ng bagong pasang BLGC sa 63 na Bangsamoro barangays sa iba’t ibang bayan sa kanilang probinsya na nasa teritoryo ng Administrative Region 12.
Ayon kay Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, naniniwala siyang mas lalawig pa ang serbisyo publiko ng Bangsamoro regional government at mga LGUs na sakop nito batay sa “devolution of powers” na mandato ng bagong BLGC, na binuo ng 80 na kasapi ng regional parliament sa loob ng tatlong taon.
Maliban sa pagbibigay ng sapat na kapangyarihan sa mga LGUs sa rehiyon, layon din ng BLGC na masugpo ang political dynasty at monopolya ng mga malalaking angkan ng pulitika sa kani-kanilang mga bayan at probinsya.
Magkahiwalay na nagpahayag din ng kasiyahan sa pagkakapasa ng BLGC sina Cotabato 3rd District Congresswoman Samantha Santos at Midsayap Mayor Rolly Sacdalan.
Sina Mendoza, Santos at Sacdalan na bagama’t hindi mga taga-Bangsamoro region, ay kilala sa kanilang masigasig na pagsuporta sa peace process ng Malacañang at ng mga Moro communities sa Mindanao na siyang dahilan kaya itinatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Sacdalan, lahat ng makakabuti sa mga taga-BARMM ay makakabuti rin sa mga bayan na nasa paligid ng rehiyon, tulad ng Midsayap at ilan pang bayan sa Cotabato.