SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Umalma si Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Jonathan Tan sa naging reklamo ng ilang locators sa freeport dahil sa umano’y panggigipit sa kanilang mga kargamento palabas ng freeport.
Sa reklamo ng ilang locators, hindi umano pinalulusot ang kanilang mga shipment palabas ng freeport gayung may clearance at kumpleto naman ang kanilang dokumento.
Ayon kay Tan, wala umano silang kapasidad na harangin ang mga shipment ng mga investors at locators kung kumpleto ang mga dokumento nito at nagbayad ng tamang buwis.
Sinabi pa ni Tan, ang kanyang ahensya lamang ang nag-ooperate ng port habang ang Bureau of Customs (BOC) naman ang nagbabantay at nagpoproseso sa mga shipment ng mga port users na dumadaan lang sa Subic Freeport.
Sa ginanap na konsultasyon kahapon sa pagitan ng ahensya at mga investors, hinikayat sila ni Tan na isumbong sa kanyang tanggapan ang anumang panggigipit at pangingikil ng kanilang mga tauhan upang maimbestigahan.
Nakatakda namang paimbestigahan ni Tan ang mismong SBMA seaport manager na si Jerome Martinez kaugnay sa sumbong ng mga locators.