Higit 1 milyong puno, naitanim ng etnikong Blaan
KORONADAL CITY, Philippines — Mahigit isang milyong puno na ang magkatuwang na naitanim ng mga etnikong Blaan at ng kumpanyang kanilang pinayagang mag-mina ng copper at gold sa kanilang mga lupang ninuno sa apat na probinsya sa Mindanao.
Ito, ayon sa pahayag nitong Linggo ng mga Blaan tribal leaders, ay sa kabila ng hindi pa nga nakakapagsimula ng mining activities sa Tampakan, South Cotabato ang Sagittarius Mines Inc., o SMI, na kontratado ng Malacañang na magpatupad ng Tampakan Copper-Gold Project sa naturang bayan.
Ayon kay Blaan chieftain Bai Dalena Samling, katuwang din nila sa kanilang tree planting activities ang mga opisyal ng regional office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Soccsksargen at mga barangay officials sa mga lugar na sakop ng kanilang tribo.
Isa ang vice mayor ng bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat na si Bai Naila Mamalinta sa mga nag-ulat nitong Linggo na mahigit isang milyong puno na ang naitanim ng mga Blaan at ng mga manggagawa ng SMI sa ilang barangay sa kanilang bayan, at iba pang bayan ng Tampakan, Malungon at Kiblawan sa Sarangani at sa Davao del Sur, nitong nakalipas na limang taon.
Maliban sa Tampakan, na ayon sa mga eksperto sa central office ng DENR at mga banyagang mining engineers ay may hindi bababa sa US$ 200 billion na halaga ng copper at gold deposits, saklaw din ng mining permit ng SMI ang ilang mga barangay sa Columbio, Malungon at Kiblawan.
Matagal nang binigyan ng pahintulot ng mga Blaan sa naturang apat na bayan at ng central office ng National Commission on Indigenous People ang SMI na magmina sa kanilang mga ancestral domains.
- Latest