MANILA, Philippines — Isang 78-anyos na lalaki ang patay matapos palakulin ng kanyang junior na anak nang magtalo dahil sa kalasingan nitong Miyerkules sa San Jose, Negros Oriental.
Dead-on-the-spot dahil sa tinamong grabeng pinsala sa katawan ang biktimang si Jesus Gadiana Sr., habang nasakote ang suspek na si Jesus Gadiana Jr., 40, kapwa residente ng Barangay Senora Asuncion ng nabanggit na bayan.
Sa imbestigasyon ng San Jose Police, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng hapon nitong Miyerkules nang umuwing lasing ang nakatatandang Gadiana sa kanilang bahay.
Nadatnan ng matanda ang kanyang anak na si Jesus Jr., at sa hindi pa malinaw na dahilan ay nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo hanggang sa kumuha ng palakol ang anak at pinalakol sa katawan sariling ama.
Nang makitang duguang bumagsak ang ama, mabilis na tumakas ang suspek subalit makalipas ang ilang oras ay nadakip din siya ng mga rumespondeng pulis sa isang palengke sa Barangay Poblacion na nagsagawa ng manhunt operation.
Nahaharap sa kasong parricide ang suspek.