MANILA, Philippines — Kinasuhan na ang dalawang pulis at isang sibilyan na naaresto sa pangongotong sa mga transport group sa lalawigan ng Cavite.
Kinilala ang dalawang naarestong suspek na sina Senior M/Sgt. Joselito Bugay at Senior S/Sgt. Dave Gregor Bautista, kapwa nakadestino sa Intelligence unit ng Bacoor police at collector na si John Louie De Leon ay kinasuhan ng robbery extortion at gun ban violation sa ilalim ng Comelec Resolution 10918 ng Omnibus election code sa Bacoor Provincial Prosecutor’s Office, kahapon.
Ayon kay Col.Hansel Marantan, Criminal Investigation and Detection Group-National Capitol Region (CIDG-NCR) director, na kinasuhan din ng administratibo sina Bugay at Bautista.
Nabatid na ang dalawang suspek na pulis ay kumikita ng milyon piso bilang protection money ng transport groups.
Ang ikaapat na suspek na kinilalang si city traffic management department head Edralin Gawaran ay patuloy pang pinaghahanap.
Isinagawa ang operation nang magreklamo ang nagbibigay ng payola na mula sa tricycle operators, drivers associations at iba pang transport groups sa Bacoor City.