13-anyos pinagbabaril sa Pangasinan habang nagbebenta ng balut, patay
MANILA, Philippines — Binawian ng buhay ang isang binatilyo mula sa Villasis, Pangasinan matapos tambangan ng mga salarin sakay ng motorsiklo habang nagtitinda ng balut.
Sa ulat ng GMA News nitong Martes, sinabing magkasamang nagbebenta ng balut ang biktimang si Charles Edward Serquiña at kanyang inang si Carina malapit sa isang lamay nang mangyari ang pamamasalang.
Iidlip lang daw sana si Charles nang biglang dumating ang mga masasamang-loob sakay ng motorsiklo bago paulanan ng bala ang kanyang bunso.
"Bigla na lang siyang binaril. Hindi man lang nila tinitignan kung ano ang binabaril, bata o matanda. Tingnan nyo naman 'yung anak ko, batang-bata pa," sabi ni Carina.
Ayon pa sa ulat, wala naman daw nakakaalitan ang biktima kung kaya't hinihinalang kaso ng "mistaken identidy" ang nangyari.
"Doon ang pinupuntahan ng investigation namin kasi itong biktima ay considering minor, wala naman silang kalaban pati pamilya niya, wala [ring] kalaban," ani Villasis Police Chief Police Major Glenn Dulay.
Nananawagan naman ng katarungan sa ngayon ang pamilya't mga kaibigan ni Charles.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Necaella, mainam na sumuko na sa ngayon ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay.
"Kung sino man ang pumatay sa kapatid ko, sumuko ka na please. Ayaw namin ng ganito. Kawawa naman ang kapatid ko, walang kaalam-alam," wika ni Necaella. — James Relativo
- Latest