30K lumikas sa pagbaha sa Central Mindanao
COTABATO CITY, Philippines — Mahigit 30,000 katao na ang bilang ng mga apektado ng pagbaha sa mga bayan sa magkatabing probinsya ng Maguindanao del Sur at Cotabato na parehong malapit sa Liguasan Delta nitong Martes.
Unang rumagasa ang baha sa mga bayan ng Pagalungan at Montawal, parehong nasa Maguindanao del Sur, at sa Pikit at Kabacan sa Cotabato nitong Lunes kasunod ng malakas at paulit-ulit na ulan sa mga kabundukan sa dalawang probinsya at sa Bukidnon sa Region 10.
Dinadaanan ng malalaking mga ilog ang naturang mga bayan na dumadaloy sa 220,000-ektaryang Liguasan Delta na isang catch basin ng mahigit 10 na malalaking ilog mula sa mga kabundukan sa kapaligiran ng Bangsamoro Region at ng Socsksargen, o South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos area.
Sa tala ng mga unit ng 6th Infantry Division at ng mga lokal na pamahalaan ng binahang mga bayan, umabot na ng 31,265 ang mga residenteng labis na naapektuhan ng baha na karamihan sa kanila ay lumikas na sa matataas na lugar.
Kabilang sa mga sinalanta ng flashflood ay ang mga bayan ng Datu Hoffer, Shariff Aguak, Datu Anggal Midtimbang, Pandag, Talayan, Guindulungan, Datu Saudi Ampatuan at Datu Unsay, pawang sa Maguindanao del Sur.
- Latest