3 toneladang basura, nahakot sa Legazpi

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Umabot ng 3,088 kilo o higit tatlong toneladang basura ang nahakot ng mga volunteers sa ginawang malawakang paglilinis sa mga baybayin at dalampasigan ng Legazpi City kasabay ng “International Coastal Cleanup Day” (ICC) kahapon.

Ang ICC ay inoobserbahan sa buong mundo kung saan sa Pilipinas ay ginagawa ito taun-taon sa bawat ikatlong Sabado ng Setyembre. Ang tema ngayong taon ay “Clean Seas for Healthy Fishieries”.

Ang malaking aktibidad ay ginawa rin sa Kabikulan na pinangunahan ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Regional Office sa pangunguna ni regional director Francisco Milla Jr. na nilahukan ng 709 volunteers mula sa DPWH, BFP, PNP, AFP, iba pang ahensya ng pamahalaan, academe at non-government organizations (NGOs).

Ayon kay Dr. Grace Cariño, assistant regional director for management service ng DENR-5, umabot sa 280 sako ng iba’t ibang basura ang kanilang nakolekta mula sa mga tabing baybayin ng Brgy. Puro, Lamba at San Roque, Legazpi City.

Nabatid na ‘di hamak na marami ang nakolektang basura kahapon kumpara noong 2022 na nasa 37 sako lamang at may timbang na 579 kilo, sa ginawang cleanup drive sa Brgy. Cagmanaba sa Oas, Albay.

Show comments