Cebu workers dismayado sa P33 wage increase sa Central Visayas

Workers are seen constructing Marikina’s flood control projects on May 30, 2023, ahead of the rainy season.
Photos by Walter Bollozos/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Bagama't may dagdag take home pay ang ilang obrerong Bisaya simula Oktubre, kamot-ulo ngayon ang Kilusang Mayo Uno (KMU) dahil sa "liit" at "tagal" bago ito mapakinabangan.

Ika-13 lang ng Setyembre nang ianunsyo ng Central Visayas Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P33 umento sa arawang sahod sa Region VII — dahilan para maging P468 na ang minimum wage ng non-agricultural workers.

"The representative of NEDA, DTI, and DOLE that was part of the RTWPB-7 refused to acknowledge the soaring prices of rice, fish, vegetable, meat, travel fare, and water and electricity bills," ani AMA Sugbo-KMU chairperson Jaime Paglinawan nitong Huwebes.

"They favored the capitalist interest of giving workers only crumbs of the value that they created and so, workers and their families are pushed deeper into poverty." 

Pebrero at Abril 2023 pa nang maghain ng wage petitions ang ilang grupo sa rehiyon para "mabawi ang papaliit na tunay na halaga ng sahod." 

Una nang sinabi ng  National Wages and Productivity Commission na ang real value ng P435 minimum wage sa Central Visayas ay nasa P374 na lamang.

Malayo ang bagong P468 na daily minimum wage sa P1,236 na "family living wage" sa Region VII, o 'yung halagang kinakailangan ng pamilyang may limang miyembro para mabuhay nang disente, sabi ng IBON Foundation.

Matatandaang nasa P100 hanggang P292 increase ang ipinetisyon ng sari-saring labor groups sa lugar. Kung tutuusin, napaka-delayed na rin daw nito kung sa ika-1 ng Oktubre pa maipatutupad.

'Negosyo kaya ang P170 wage increase'

Batay sa pag-aaral ng economic think tank na IBON Foundation gamit ang datos ng Philippine Statistics Authority at Annual Survey of Philippine business and Industries 2022, kaya aniya makapagbigay ng mga negosyante ng hanggang P170 wage increase.

Ipinakikita rin daw ng computation ng IBON Foundation, na ibinatay sa kita bago ang COVID-19 pandemic, mawawalan lang daw ang mga negosyo ng mga sumusunod na tubo:

  • large enterprises (P25.8 bilyon o 13.2% ng kanilang P1.1 trilyong kita)
  • medium enterprises (P25.8 bilyon o 13.2% ng P195.7 bilyong kita)
  • small enterprises (P88.5 bilyon o 16.2% ng P544.4 bilyong kita)

Sa kabila nito, posibleng mawalan ng P35.b bilyon o 107% ng kanilang P33.4 bilyong kita ang mga micro enterprises, bagay na dapat daw bigyan ng wage subsidies ng gobyerno, ani Paglinawan.

Hinamon tuloy ng labor leader ang mga miyembro ng wage board na subukang mabhay sa P415-P468/araw na minimum para sa kanilang pamilya. Kung gagawin, P83-93.60/araw lang daw ang magiging budget ng bawat miyembro nito. Papatak ito sa P27.67-P31.20 kada kakain.

"That is why a lot of the workers believe that the Republic Act 6727 or the 'Wage Rationalization Act' that created the RTWPB is being used to confine workers in the private sector to very low wages," sabi pa ni Paglinawan.

"There is a need for the collective voice of workers: regular and contractual workers alike, organized or not, unionized or not– not only in the Central Visayas. There is a need for unity among workers in the country to demand the Marcos Jr. administration for a national minimum wage based on the family living wage."

Serye ng minimum wage hikes

Nangyayari ang naturang wage hike sa Visayas ilang araw matapos ianunsyo ang P35 hanggang P50 umento sa sahod sa CALABARZON.

Ito'y kahit na P750 ang ipinetisyog dagdag na arawang sahod ng mga manggagawa sa Region IV-A para mailapit ito sa cost of living na P1,086 sa rehiyon.

Hunyo lang din nang ibalita ang P40 pagtaas minimum wage sa Metro Manila. Malayong-malayo ang bagong P610 minimum wage sa NCR sa P1,164 na family living wage sa rehiyon.

Matatandaang lumobo noong Agosto patungong 5.3% ang inflation rate sa buong Pilipinas, primarya dahil sa pagtaas sa presyo ng pagkain.

Show comments