BATANGAS, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang 10 pa ang sugatan matapos mawalan ng kontrol ang kanilang sinasakyang barangay patrol jeep at bumangga sa isang puno sa Batangas City noong Linggo ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Teodoro Guico at Ariel Silva, kapwa barangay tanod at volunteer ng Brgy. San Miguel.
Naisugod naman sa Batangas Medical Center at sa Jesus of Nazareth Hospital sa Batangas City ang mga sugatan.
Ayon sa report, binabagtas ng jeep (SFZ-421) ang palusong na kurbadang kalsada sa may Sitio Tanlayag, Barangay San Miguel nang mawalan ng kontrol ang driver na si Romeo Sarmiento at diretsong bumangga sa puno ng mahogany bandang alas-10:45 ng umaga.
Ang nasabing jeep na nagsisilbing patrol service vehicle ng Barangay San Miguel ay pabalik na sana sa kanilang barangay hall galing sa isang clearing operation nang maganap ang malagim na aksidente.
“Ikinalulungkot po natin ang nangyaring aksidenteng ito. Paalala lamang po sa ating mga kababayan na ugaliing i-check na mabuti ang ating sasakyan, ganoon din ang ating sarili bago bumiyahe,” pahayag ni Batangas Police Provincial Office director Col. Samson Belmonte.