LUCENA CITY, Philippines — Kinondena ng mga residente sa Quezon ang ginawa ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na pagbaon at pag-iwan sa kanilang kasama matapos mapatay sa pakikipagsagupa sa tropa ng pamahalaan makaraan ang ginawang pananambang sa tropa ng pamahalaan na ikinasawi ng limang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa Tagkawayan, Quezon kamakailan.
Ayon sa mga residente, sana ay nabigyan ng desenteng libing ng gobyerno ang nasabing rebelde katulad ng ibinigay sa mga napaslang na CAFGU at di yong basta na lang ibinaon ng mga kasamahan.
Hinala ng ilan pang residente sa Tagkawayan na posibleng dahil sa kagustuhan ng mga Bicolanong rebelde na makapagyabang sa publiko matapos ang matagumpay nilang pananambang kaya inilihim nila ang katotohanan na ang kanilang grupo ay nalagasan din ng kasapi matapos manlaban ang mga CAFGU.
Sa ulat ng pulisya, isang bangkay ng hinihinalang miyembro ng NPA na umano’y kasama sa madugong pananambang sa mga miyembro ng CAFGU noong Setyembre 1 sa hangganan ng Quezon at Camarines Norte ang natagpuan kahapon.
Ang bangkay ay nadiskubre matapos na maamoy at makalkal ng mga asong askal na nakabaon sa mababaw na hukay dahilan para mapansin ito ng isang residente sa Sitio Katakian, Brgy. Mapulot, Tagkawayan, ‘di kalayuan sa lugar ng pananambang kung saan nasawi ang limang CAFGU habang tatlo ang sugatan kabilang ang isang sundalo ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Mabilis na ipinagbigay-alam ito sa mga otoridad at nang puntahan ng mga pulis at militar ang lugar ay nadiskubre ang bangkay ng rebelde na may tattoo na JR at Jirerb at may mga tama ng bala sa mukha at balikat.
Lumalabas sa intelligence report ng militar na ilan sa mga rebeldeng Bicolano ang nasugatan at nasawi sa gitna ng bakbakan subalit nagawa nila itong maitakas.
Samantala, pinabulaanan ng pulisya at militar ang pahayag ng tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command na bukod sa mga rebeldeng Bicolano ay malakas pa rin ang natitirang puwersa ng NPA sa Quezon.