Klase malapit sa bulkan, sinuspinde
MANILA, Philippines — Isinugod sa ospital ang may 36 mag-aaral matapos na sumama ang pakiramdam at mahilo nang makalanghap ng volcanic smog mula sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas nitong Biyernes.
Bunsod nito, ipinag-utos ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang agarang suspension ng klase sa iba’t ibang paaralan malapit sa nasabing bulkan.
Sa ulat ng Batangas PDRRMO, bago magtanghali nitong Biyernes, isinugod sa Rural Health Unit (RHU) ang 36 estudyante mula sa Bayorbor National High School at Bayorbor Senior High School sa Mataas na Kahoy ng lalawigan.
Ang mga estudyante ay nakaranas ng paninikip ng dibdib, nahirapang huminga at nahilo dahil sa usok na ibinuga ng Bulkang Taal. Ilan din sa kanila ang dumanas ng pananakit ng sikmura, panghihina at halos matumba nang malanghap ang usok.
Sa pahayag naman ni Mataas na Kahoy Vice Mayor Jay Ilagan, matapos na malapatan ng pangunahing lunas ay nagsiuwi na rin ang mayorya ng mga estudyante sa kanilang tahanan nitong Biyernes ng hapon hanggang nitong Sabado ng umaga.
Sa kasalukuyan, ayon pa kay Ilagan ay may isa na lamang pasyente sa pagamutan.
Nabatid na simula noong Miyerkules ay nakatanggap na sila ng ulat na nagbubuga na ng asupre ang bulkan.
Samantalang ang Taal Volcano ay nananatiling nasa alert level 1 na ibig sabihin ay posible ang potential steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, thin ashfalls, at pagbuga ng poisonous gas mula sa bunganga ng bulkan.
Patuloy naman ang monitoring ng Philvolcs at mga lokal na opisyal sa lalawigan.