Seguridad sa Peñafrancia Festival
NAGA CITY, Camarines Sur, Philippines — Aabot sa 2,316 pulis ang ipinadala ng Police Regional Office 5 ng Camp Gen. Simeon Ola sa Naga City, Camarines Sur upang tumulong sa pagbibigay seguridad sa ilang linggong iba’t ibang aktibidad sa kapistahan ni Nuestra Señora de Peñafrancia o Peñafrancia Festival.
Ayon kay PRO5 spokesperson Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, kumuha si regional director Brig. Gen. Westrimundo Obinque ng karagdagang mga pulis upang gawing augmentation force ng Naga City Police Office mula sa mga Provincial Police Office ng Masbate, Albay, Catanduanes, Sorsogon at Camarines Norte; Regional Mobile Force Battalion; Regional Special Training Unit; at iba pang PNP units sa rehiyon.
Sinabi ni Calubaquib na tutulong ang libu-libong pulis sa pagpapanatili ng kaayusan, seguridad at sa inaasahang problema sa trapiko sa lungsod at karatig bayan sa kasagsagan ng festival.
Sa direktiba ni Obinque, pinatitiyak nito sa mga tauhan na ligtas ang lahat ng mga deboto at bisita ng “Inang Peñafrancia” na inaasahang daragsa sa lalawigan mula sa iba’t ibang panig ng bansa at mga dayuhang turista at bisita lalo na sa ginawang “traslacion” kahapon ng hapon kung saan inilipat ang imahe mula sa Peñafrancia shrine patungo sa Naga City Cathedral.
Sa darating na Sabado, Setyembre 16 ay inaasahang libu-libo ring tao ang dudumog sa gagawin namang fluvial procession sa Bicol River para ibalik ang imahe sa bahay nito sa Peñafrancia Basilica.