MANILA, Philippines — Dismayado ang ilang manggagawa mula sa Region IV-A matapos malamang hanggang 6.66% lang ng hinihiling nilang P750 na umento sa arawang sahod ang naaprubahan ng gobyerno sa CALABARZON.
Huwebes lang kasi nang aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P35 hanggang P50 umento sa sahod ng mga obrero sa mga pribadong establisyamento.
Related Stories
"Sa isinampa naming petisyon na P750 uniform wage sa buong Calabarzon, ang sagot ay kakapiranggot na P35 to 50. Pinanatili rin ang 'di pagkakategorya at pag-iiba-iba sa mga sahod sa loob ng iisang rehiyon," ani Mary Ann Castillo, convenor ng Workers Initiative for Wage Increase Southern Tagalog (WIN4WIN-ST), Biyernes.
"Sa sariling pagtataya ng petitioner mula sa Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) na sinuportahan ng mga alyadong organisasyon ng WIN4WIN-ST, ay nasa P929 ang cost of living sa rehiyon."
Dagdag pa nina Castillo, ang hiling nilang dagdag P750 sa arawang sahod sa Region IV-A ay maglalapit sana rito sa cost of living na P1,086 sa rehiyon.
Matatandaang inihain ng grupo ang wage petition kasabay ng mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
"Sa kabila ng masiglang pagpapahayag ng mga manggagawa ng Calabarzon na magbigay ng makabuluhang dagdag-sahod, kibit-balikat ang RWB IV-A sa makatwiran naming panawagan," sabi pa ni Castillo.
"Dapat lalong palakasin ang mga pagkilos at panawagan sa iba’t ibang mga venue para mapataas ang sahod sa buong bansa. Sahod itaas, ngayon na! Kamtin ang nakabubuhay na sahod para sa lahat!"
Bagong mga sahod batay sa sektor
Ang wage order, ayon sa National Wages and Productivity Commission, ay sinasabing magiging epektibo simula ika-24 ng Setyembre.
"The new minimum wage rates in Region IV-A will now range from P385-P520 in the non-agriculture sector; P385-P479 in the agriculture sector; and P385 for retail and service estabilishments employing not more than 10 workers," sabi ng NWPC.
Madagdagdagan din ng P89 ang mga manggagawa sa agrikultura sa Calaca, Batangas at Carmona, Cavite matapos silang ma-reclassify mula first class municipality patungong component cities.
Sinasabing nasa 719,703 minimum wage earners sa CALABARZON ang makikinabang sa naturang umento.
Nangyayari ito ilang buwan matapos maaprubahan ang nasa P40 dagdag sa minimum wage sa Metro Manila.
Matagal nang ikinakampanya ng mga grupo gaya ng Kilusang Mayo Uno at Bukluran ng Manggagawang Pilipino ang P750 dagdag sa minimum na pasahod, lalo na't hindi na raw ito makahabol sa inflation rate.