5 napatay na CAFGU sa Quezon binigyang pagkilala
MANILA, Philippines — Binigyang pagkilala ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang kadakilaan at kabayanihan ng limang miyembro ng Citizens Geographical Unit (CAFGU) na nasawi dahil sa madugong engkwentro sa mga rebeledeng komunista mula sa Bicol nitong Setyembre 1.
Personal na sinaksihan ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang pagbibigay ng full military honors sa mga nasawi na sina CAA Cesar Sales; CAA Jeffrey San Antonio; CAA Aljohn Rapa; CAA Johnwell Perez; at CAA Jomari Guno. Ihihimlay ang kanilang mga labi sa Libingan ng mga Bayani dahil sa pagbubuwis ng kanilang buhay para sa kapayapaan ng lalawigan ng Quezon.
Labis naman ang pagdadalamhati ni Governor Tan at ipinaabot ang kanyang pakikiramay sa mga pamilyang naulila ng mga nasawi at ibinahagi rin na makatatanggap sila ng tulong pinansyal.
Patuloy din ang pagkilos at pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang matulungan ang mga naapektuhang residente ng pinangyarihan na pananambang ng mga teroristang grupo.
Katuwang ang DSWD sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian ay sinimulan na ang pamamahagi ng tulong at food packs para sa mga komunidad na naipit ng nagdaang engkwentro.
- Latest