CAVITE, Philippines — Patay ang isang tricycle driver habang sugatan ang pasahero nito makaraang mabagsakan ng puno ng narra na natumba dahil sa lakas ng bagyo habang bumabagtas sa kahabaan ng Tierra Nevada Road, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite kamakalawa ng hapon.
Napuruhan sa ulo at hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktimang si Abelardo Garcia Adriano, 46-anyos, tricycle driver, residente ng Sec1 B25 L10, Sunny Brooke Subdivision, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City.
Inoobserbahan naman sa pagamutan ang pasaherong si Bonn Carlo Rubia, 20, ng Ph4 B9 L3, Tierra Nevada Subdivision, Brgy. San Francisco, Gen. Trias City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-5 ng hapon kasabay ng malakas na ulan na sinabayan din ng malakas na hangin ay binabagtas ni Adriano lulan ng tricycle at sakay nito si Rubia, ang kahabaan ng Tierra Nevada Road sa Brgy. San Francisco nang biglang bumagsak ang malaking puno ng Narra sa gilid ng kalsada at sumapol sa kanila.
Wasak ang tricycle sa bigat nang bumagsak na puno at napuruhan sa ulo ang naturang driver na naipit din na kanyang ikinamatay habang himalang nakaligtas bagama’t sugatan ang nasabing pasahero nito.