CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Lima katao ang inaresto matapos silang masamsaman ng may P10.5 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Balayan, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang mga dinakip na sina Benigno Alvarez, Modesto Eronico, Efren Eronico, Mark Joseph Cardinal, at Kevin Renz De Villa.
Nakumpiska ng awtoridad mula sa posesyon ng mga suspek ang may 701 kahon ng New Orleans at H&P cigarettes, na sinasabing ipinagbabawal na ibenta ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Nasamsam sa mga suspek ang mga sigarilyo na nagkakahalaga ng P10,500,000 na may market price na P15,000 kada kahon at ang buy-bust money.
Nauna rito, nagsagawa ang mga operatiba ng Regional Special Operation Unit4A, local authorities at Bureau of Internal Revenue ng isang linggong surveillance operation laban sa cigarette smuggling activities ng mga suspek sa Batangas nitong Miyerkules.
Ang operasyon ay kasunod sa direktiba ni Brig. Gen. Carlito Gaces, Calabarzon police director, na paigitingin ang kampanya at operasyon laban sa iba’t ibang kriminalidad kabilang na ang smuggling sa Calabarzon area.
Kasalukuyan nang nakaditine sa Balayan Municipal Police Station Detention facility ang mga suspek na kakasuhan ng paglabag sa Sec 144, Sec 262, at 263 National Internal Revenue Code (NIRC)na may kaugnayan sa cigarette smuggling sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office sa Batangas City.