MANILA, Philippines — Limang miyembro ng CAFGU (Civilian Armed Forces Geographical Unit) ang kumpirmadong nasawi habang tatlo pa ang nasugatan kabilang ang isang sundalo matapos silang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sitio Pag-asa, Brgy. Mapulot, Tagkawayan, Quezon malapit sa boundary ng Labo, Camarines Norte sa Bicol region, nitong Biyernes.
Kinumpirma ni AFP-Southern Luzon Command (AFP-SOLCOM) Spokesman Lt. Col. Dennis Cana, ang naganap na bakbakan sa pagitan ng tropa ng 85th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army kasama ang mga miyembro ng CAFGU na nakabase sa Sitio Pagasa, Brgy. Mapulot, Tagkawayan at ng mga rebeldeng NPA.
Kinilala ang limang nasawi na sina Cesar Sales, Jeffrey San Antonio, Aljohn Rapa, Johnwell Perez, at Jomari Guno, pawang residente ng Tagkawayan, Quezon at miyembro ng CAFGU sa ilalim ng 85th Infantry Battalion 201st Infantry Brigade ng Philippine Army.
Ginagamot naman ang mga sugatan na nakilalang sina Corporal Marvijun Oller, Jr., Lauro De Guzman at Regie Macalintal, na taga-Tagkawayan, Quezon.
Ang mga nasawing militiamen ay nagtamo ng mga bala at nasabugan ng landmine na itinanim ng komunistang rebelde mula sa Bicol Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA).
Ayon Col. Ledon Monte, Quezon police director, ang insidente ay naganap dakong alas-7:22 ng umaga. Habang ang government forces na pinamumunuan ni Oller ay nagsasagawa ng combat patrol sa naturang lugar, bigla nilang nakaengkwentro ang mga rebelde na gumamit pa ng landmine at matataas na kalibre ng baril na nagresulta sa 30-minutong sagupaan bago nagsiatras ang mga rebelde bitbit ang mga kasamahang sugatan.
Sinabi ni Monte na nagmula ang mga rebelde sa Bicol region at lahat ay may suot na red bandana at black kamison, isang typical na kasuotan na karaniwang ginagamit ng Bicol-based rebels.
Sinabi ni Monte na nag-dispatch na siya ng security forces sa area kabilang ang tropa ng Regional Mobile Force Battalion at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company upang sumuporta sa 85th IB troops na tumutugis sa mga rebelde.
Sinabi ni Monte na nagsasagawa na ng joint PNP-AFP Intensified Checkpoint Operations sa lugar sa koordinasyon ng COMELEC, habang nakikipag-ugnayan din sila sa mga malapit na ospital at clinic na maaaring pagdalhan para sa mga sugatang rebelde.
Ang Bicol region ay dati nang kilala bilang “bailiwicks” ng CPP/ NPA.
Ang Quezon ay maraming boundaries sa mga probinsya ng Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate na nagbibigay oportunidad sa mga Bicolano NPA rebels na magpadala ng kanilang augmentation sa kanilang comrades sa mga bayan ng Southern Quezon kung kinakailangan.
Magugunita na nagdeklara na ang Quezon bilang insurgency-free province nitong Hunyo 12 kasabay sa 125th Philippine Independence Day celebration kung saan si Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ang nanguna sa province-wide declaration ng Stable Internal Peace and Security (SIPS).
Kasunod ng joint efforts ng military, police, local government units, national government agencies at civic groups, ang 39 bayan at dalawang syudad ng lalawigan ay magkakasunod na nagdeklara na ng insurgency-free.
Isang Mutual of Understanding (MOU) din ang nilagdaan nina Governor Tan na nagsisilbi ring chairperson ng Provincial and Regional Peace and Order Council and PTF-ELCAC, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na pinamumunuan ni Vice-Governor Anacleto Alcala III, Quezon Mayor’s League pres. Rachel Ubana, Vice-Mayor’s League president Lord Arnel Ruanto, ABC president Ireneo Boongaling, SK Federation pres. Irish Armando, business sector reps, Quezon Reps. Reynante Arrogancia, Keith Micah “Atorni Mike” Tan at Mark Enverga na kinatawanan ni Zaldy Gariguez, mula sa hanay ng pulisya at military at iba pa, para sa pagpapanatili ng seguridad at insurgency free sa Quezon.