MANILA, Philippines — Mas pinatibay pa ng dating pangulo ng samahan ng magsasaka sa Narvacan, Ilocos Sur ang kasong kriminal na isinampa ni dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson laban kina dating National Tobacco Administration (NTA) chief Edgardo Zaragoza at anak na si dating Narvacan town mayor Zuriel Zaragoza.
Nabatid na pinagbigyan ng Second Division ng Sandiganbayan ang pagiging state witness ni Constante Cabitac, dating pangulo ng Federation of Farmers of Narvacan, Ilocos Sur matapos bumaliktad makaraang mapasama siya sa mga kinasuhan ng graft sa Office of the Ombudsman.
Batay sa reklamo ni Singson, kinasuhan ng Ombudsman ang mag-amang Zaragoza sa kasong graft at malversation of public funds noong Mayo 2022 dahil sa umano’y pandaraya sa mga municipal farmers ng P81 milyon mula sa tobacco excise tax funds na nakolekta sa ilalim ng RA 7171. Kasama ring akusado sina municipal accountant Melody Cadacio at Education Research asst. Mario Cabinte.
Sa 27-pahinang resolusyon (Agosto 18, 2023), sinang-ayunan ng Sandiganbayan ang testimonya ni Cabitac, at sinabing “indispensable and absolutely needed” para patunayan ang kaso ng gobyerno.
Ayon sa prosecution, si Cabitac ang personal na nag-encash ng mga tseke ng Landbank na nagkakahalaga ng P81 milyon noong 2016 mula nang mailabas ang mga ito sa kanyang pangalan bilang pangulo ng FFN.
Nakasaad din sa testimonya ni Cabitac na kasama niya sina Cabinte at Cadacio sa armored vehicle na nagdala ng pera sa bahay at tinanggap ng dating alkalde.