15-anyos estudyante, patay sa pulis

Isang tama ng bala sa tiyan ang ikinasawi ng biktimang si John Francis Ompad, 15, Grade 9 student, at residente ng Southville 8B, Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Isang estudyante ang patay nang mabaril ng isang pulis, na sumita sa kanyang kuya at nagtangkang bumaril dito sa tapat mismo ng kanilang tahanan sa Rodriguez, Rizal, nabatid kahapon.

Isang tama ng bala sa tiyan ang ikinasawi ng biktimang si John Francis Ompad, 15, Grade 9 student, at residente ng Southville 8B, Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Samantala, nakapiit na ang mga suspek na sina PCPL Arnulfo Sabillo, 37, nakatalaga sa Community Precinct (Compac) 5 ng Rodriguez Municipal Police Station, at sibilyan na si Jeffrey Baguio, 27, ng Pasig City.

Batay sa nakalap na ulat ng Rodriguez Muni­cipal Police Station, nabatid na pasado alas-12:00 ng madaling araw nitong Linggo, Agosto 20, nang maganap ang krimen sa harapan mismo ng tahanan ng biktima.

Nauna rito, pauwi na ng bahay, lulan ng motorsiklo, ang kuya ni Ompad na si John Ace Ompad, 19, nang parahin umano siya ng dalawang lalaking nakasibilyan na umano’y mga lasing at sakay din ng motorsiklo.

Dahil sa alanganin ang oras at sa pangambang hoholdapin siya ng mga suspek, hindi tumigil ang binata at sa halip ay pinaharurot nito ang kanyang motorsiklo pauwi ng bahay.

Gayunman,sinundan pa rin siya ng mga suspek, sakay ng kanilang motorsiklo.

Pagsapit sa malapit sa kanilang bahay ay nakita umano ni John Ace na bumubunot ng baril ang mga humahabol sa kanya, kaya’t kaagad niyang hinubad ang kanyang helmet at ibinato ito sa mga suspek dahilan upang matumba sila sa motorsiklo.

Ikinagalit naman umano ng pulis ang ginawa ng binata kaya’t pinaputukan siya nito ng baril, ngunit ang tinamaan sa tiyan ay ang kanyang nakababatang kapatid, na nagkataong papalabas naman ng kanilang bahay.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente habang naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit binawian rin ito ng buhay.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, nakilala ang mga suspek at kaagad na inaresto ng mga otoridad at saka sinampahan ng kasong homicide, dahil sa pagkakapatay kay Ompad, at attempted homicide, dahil sa tangkang pagpatay sa kanyang kuya.

Show comments