MANILA, Philippines — Kapwa nasawi ang magkaibigan matapos makuryente nang aksidenteng mahawakan ang live-wire na nakalaylay sa daan nitong Martes ng gabi sa Lapuyan, Zamboanga del Sur.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ronjie Reynaldo Tuclos, 14; at Florin Mangagot, kapwa residente sa Purok Sampaguita, Maruing, Lapuyan, Zamboanga del Sur.
Batay sa ulat ng Lapuyan Municipal Police Station, alas-6:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, inutusan ng kanyang ama si Tuclos na bumili ng diaper at bigas sa tindahan ilang metro ang layo sa kanilang tahanan.
Sinamahan siya ng kanyang kaibigang si Mangagot at habang naglalakad ay aksidenteng nahawakan ng una ang live wire na nakakonekta sa residential electric post dahilan para magkikisay ito.
Dahil dito, tinulungan ni Mangagot si Tuclos pero maging siya ay nagkikisay na rin at dahil mataas na boltahe ng kuryente ang pumasok sa katawan ng dalawa ay agad na nalagutan ng hininga ang mga ito.
Natagpuan naman ang bangkay ng dalawa ng isang residente na si Basat Bentual Ongang Jr., 60, at ipinagbigay-alam sa mga otoridad ang nasabing insidente.
Kaagad naman inayos ng barangay ang live-wire na nakabalandra sa kalsada para hindi na maulit pa ang nasabing insidente.