CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines —Naaresto ng mga awtoridad ang isa sa anim na notryus na holdaper na nasa likod ng panloloob sa isang restaurant sa Imus City, Cavite, sa ikinasang follow-up operation sa Pasay City nitong Martes ng hapon.
Kinilala ni Col. Christopher Olazo, Cavite police director, ang nadakip na suspek na si Mel John Rutaquio, 34-anyos, residente ng Brgy. 133, Pasay City na hindi na pumalag nang makorner at arestuhin ng binuong tracker team sa kanyang hideout sa Brgy. 133, Pasay City.
Si Rutaquio ay sinasabing isa sa tatlong riders na lulan ng tatlong get-away motorcyles sa naganap na robbery heist sa Imus City.
“The clothes of Rutaquio tagged as one of six suspects seen on the close circuit television camera video footage at the time of the heist was matched,” Olazo told The STAR.
Nabatid na isa sa mga motorsiklo na ginamit sa operasyon ng mga suspek na itim na Honda click (540 UDM) ay narekober mula sa posesyon ni Rutaquio.
Sinabi ni Olazo na matapos madakip si Rutaquio, inginuso na rin nito ang kanyang mga kasamahan sa panghoholdap na kinilalang sina Mark Randolph Cruz, alias “MacMac” at “Kram-Kram” na kanilang lider sa grupo at isang alias “Rudy” at “Onyok”.