Sangkot sa pagpatay sa FEU football player
PILI, Camarines Sur , Philippines — Patay ang limang komunista kabilang ang pinakamataas na lider ng New People’s Army (NPA) sa Masbate na sangkot umano sa pagpatay sa football player ng Far Eastern University (FEU) matapos ang magkahiwalay na engkuwentro sa naturang lalawigan at sa Camarines Sur, kamakalawa.
Kinilala ang napaslang na NPA leader na si Arnold Dela Peña Rosero, alyas “Ka Star” at “Ates”, 44-anyos ng Kilusang Larangan Guerilla, North Regional Sub-Committee 4 ng Bicol Regional Party Committee.
Nasawi rin sa bakbakan ang tatlong tauhan ni Rosero na sina Sheryl Dejumo Salazar alyas “Ka Balbon”, 35-anyos; Glenda Dejumo Ajitan, alyas “Ka Jinlyn”, 46-anyos; at Devina Lubiano Ajitan alyas “Ka Teyeng”, 51-anyos.
Ang grupo ni Rosero ang responsable umano sa pamamaslang sa FEU football player na si Keith Absalon at pinsan nitong si Nolven sa Masbate City noong Hunyo 6.
Sa ulat ni Lt. Col. Jeffrey Bugnosen, commanding officer ng 96th Infantry Battalion ng Philippine Army, pasado alas-3 ng hapon noong Biyernes ay nagkaroon muna ng unang engkuwentro ang kanyang mga tauhan kasama ang mga kasapi ng 96th Military Intelligence Company, San Jacinto Police, Monreal Police, 502nd Police Regional Mobile Force Battalion 5 laban sa tinatayang 20 na komunista sa bulubunduking lugar ng Brgy. Bartolabac, San Jacinto, Masbate.
Sa ilang minutong palitan ng putok, tumakas ang mga rebelde pero kinaumagahan sa tulong ng mga residente ay natunton din sila sa Brgy. Jagnaan ng naturang bayan sanhi ng muling engkuwentro hanggang sa tumimbuwang si Rosero at tatlo niyang tauhan.
Isang sundalo rin ang nasugatan sa bakbakan at nagpapagaling na sa Ticao District Hospital.
Nakuha sa encounter site ang dalawang M16 armalite rifle, isang M203 grenade launcher, mga bala, cellphone at mga personal na kagamitan ng komunista.
Samantala, dakong alas-9:45 ng umaga kamakalawa nang magkasagupa ang mga kasapi ng 81st IB ng Phl Army at limang komunista sa Brgy. Salvacion, Ragay, CamSur na ikinasawi ng kadreng si Nestor Postre alyas “Ka Barbie” at “Bebot” ng Squad 2, Kilusang Larangang Grupo 2, ng South Regional Committee 1 ng NPA-Bicol Regional Party Committee.
Nasamsam sa lugar ang M16 armalite rifle, isang kalibre 9mm istol, mga bala, at personal na mga gamit ng nakatakas na mga kadre.