LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Dahil sa libu-libong galang aso na ang kanilang nasisilo at napapatay, naawa at nakonsensya na rin ang mga kawani ng City Veterinary Office (CVO), kaya nagdesisyon na silang baguhin ang kanilang approach at paigtingin ang kampanya laban sa patuloy na pagkalat ng rabies sa lungsod.
Ayon kay City Veterinary Officer Dr. Emmanuel Estipona, hindi dapat ang mga inosenting galang aso sa kalye ang magdanas ng parusa kundi ang iresponsableng mga “dog owners”.
Simula umano nang higpitan nila ang kampanya para labanan ang pagkalat ng rabies virus sa lungsod at dahil sa magkakasunod na aksidente sa kalye na karamihang mga galang aso o asong Pinoy (aspin) ang sanhi, ay libu-libo na ang kanilang nasilo at napapatay na aso sa pamamagitan ng euthanasia o pagpapatulog hanggang sa hindi na magising dulot ng nasabing itinurok na lason.
Sa 15-bilang ng aspin na nasisilo araw-araw ng mga tauhan ng CVO sa buong lungsod, halos dalawa lang dito umano ang tinutubos ng may-ari at kapag walang umampon sa mga ito ay napipilitan na lang isailalim sa euthanasia.
Kaya sa halip na ipagpatuloy ang naturang pamamaraan upang masugpo ang mga aspin, nagtatag na ang lungsod ng “BRODET” o “Barangay Responsible Dog Owners and Dog Enforcement Team” sa bawat barangay para tumulong sa kampanya at panawagan sa mga dog owners na ikulong, itali, maging responsableng pet owners, at alagaan at mahalin nila ang kanilang aso. Mahigit 50-porsyento na sa 70 barangay ng lungsod ang tumugon at nag-organisa ng naturang grupo.
Sinimulan na rin nitong nakalipas na linggo ang “basic dog obedience, techniques and responsible pet owners trainings” ng grupo ni Dr. Estipona.
Sa tulong din ng ipinasang ordinansa, pinalakas pa ng lungsod ang ngipin laban sa mga iresponsableng dog owners gaya ng pag-iisyu ng citation ticket at pagbabayad ng malaking halaga bilang multa sa mapapatunayang may-ari ng mga galang aso na lumabag at ang pagsasampa ng kaso.
Binalaan din ang mga opisyal ng barangay na kontra at hindi nakikiisa sa bagong programa na papanagutin. Patunay nito, isang barangay kagawad na ng lungsod na hindi tumalima ang sinampahan na ng kaso.