8 bagong Bangsamoro municipalities, itatayo
COTABATO CITY, Philippines — Aprubado na ng parliamento ng Bangsamoro region ang pagtatatag ng walong mga bayan na sasakop sa 63 na barangay sa probinsya ng Cotabato.
Magkahiwalay na inanunsyo nitong Sabado ng dalawang mambabatas sa rehiyon, ang manggagamot na si Kadil Sinolinding, Jr. at si Kellie Antao, na pumasa na sa third and final reading ng kanilang parliamento ang panukalang hati-hatiin sa walong bayan ang 63 Bangsamoro barangays sa probinsya ng Cotabato.
Ang Cotabato ay probinsyang sakop ng Region 12 ngunit may 63 na barangay sa ibat-ibang bayan nito na nasa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Cotabato Gov. Emmylou Mendoza, bagama’t hindi na saklaw ng kanyang administrasyon ang itatatag na walong Bangsamoro municipalities, susuportahan niya ang pagtatag ng mga ito.
Si Mendoza ay kilala sa kanyang masigasig na pagsuporta sa magkatuwang na peace process ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ng liderato ng BARMM.
Ayon kay Mendoza, malaki ang magandang maidudulot sa ekonomiya ng pagtatatag ng walong Bangsamoro municipalities sa kanilang probinsya na papangalanang “Pahamuddin”, “Kadayangan”, “Nabalawag”, “Old Kaabakan”, “Kapalawan”, “Malidegao”, “Tugunan” at “Ligawasan”.
Ilan sa naturang itatatag na walong bayan ay malapit sa Liguasan Delta na may malaking deposito ng natural gas.
- Latest