MANILA, Philippines — Isang suspected drug pusher ang napatay nang ito umano ay manlaban sa pag-aresto sa kanya sa isang buy-bust operation sa Sitio Balite, Brgy. Buhangin, Davao City, kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ng Buhangin Police Station ang suspek na si Arence Coquilla, alias Aren, 51, residente ng Km. 5 Buhangin, Davao City.
Batay sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang pulisya, ala-1:00 ng madaling araw sa suspek na kung saan isang poseur buyer na gumamit ng marked money ang bumili sa suspek ng shabu na nagkakahalaga ng P30,000.
Nang tanggapin ng suspek ang bayad ay dito na siya inaresto, subalit bumunot umano ito ng baril at pinutukan ang mga pulis na masuwerteng walang tinamaan.
Gumanti ng putok ang mga pulis at nasapol ang suspek na isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC), subalit idineklarang dead on arrival.
Nakuha sa crime scene ang isang 38 caliber revolver, 1 basyo ng bala, 2 bala na hindi pa pumutok at 2 bala ng 9mm baril.
Narekober din ang isa pang pakete ng shabu na may timbang na 10 gramo na nagkakahalaga ng P160,000.
Ayon pa sa pulisya na bukod sa pagiging drug pusher ng suspek ay sangkot din ito sa mga panghoholdap at pagnanakaw sa kanilang lugar.