CAVITE , Philippines — Matapos ang may ilang buwang pagtatago sa batas, nalambat ng pulisya ang most wanted person (MWP) sa Cebu dahil sa 9 na bilang ng kasong panggagahasa sa isinagawang pagsalakay sa hideout nito sa Brgy. Daang Amaya 1, Tanza, dito sa lalawigan, kahapon.
Hindi na nakagalaw pa nang dakmain ng pulisya ang suspek na si John Paul Lirasan Llego, 25-anyos, truck helper, ng Blk. 2 Lot 2 sec. 35 Bellview Meadows Subd., Brgy. Bagtas, Tanza, Cavite.
Sa ulat mula kay Police Major Dennis Ambagan, hepe ng pulisya sa bayang ito, alas-11:30 ng umaga nang ilatag ng pinagsanib na puwersa ng Cebu Police, Cebu Provincial Police Office, at Cavite Police ang warrant operation laban sa suspek.
Bitbit ang warrant of arrest para sa mga kasong 7-counts ng “qualified rape” at 2-counts ng “qualified rape by sexual assault” na may piyansang P200,000 na inisyu ni Judge Francis Rainier Rodriguez Navarrete, acting presiding judge ng Regional Trial Court, Seventh Judicial Region, Br. 62, Oslob Cebu.
Naabutan ng grupo ang suspek na hindi na nakapalag pa nang posasan ng raiding team.