425 mahihirap na eye patients, ginamot ng libre

COTABATO CITY , Philippines — Abot sa 425 na mga naghihikahos na mga residente ng dalawang barangay sa Pikit, Cotabato ang nakabenepisyo sa eye care missions ng isang manggagamot sa Bangsamoro parliament at mga volunteers bilang suporta sa Mindanao peace process.

Sa ulat ng mga himpilan ng radyo nitong Biyernes, ilan sa 242 na pasyenteng natulungan ng grupo ni BARMM Member of Parliament Kadil Sinolinding, Jr. at ng Deseret Ambulatory Referral Foundation Incorporated nitong Martes sa Brgy. Gokotan, Pikit ay mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ayon sa medical team ni Sinolinding, 43 sa mga pasyente ang may cataract habang 16 ang may pterygium, na gagamutin sa Deseret SurgiMed Hospital sa Kabacan, Cotabato.

Nitong Miyerkules, 183 na mahihirap na Muslim at Kristiyano sa Barangay Nuangan sa Pikit, 18 dito ang may cataract habang 16 naman ang may Pterygium, ang nasuri ng grupo sa tulong ng mga barangay officials at mga pribadong grupong may mga proyektong pangkawanggawa.

Nabatid na mahigit 300 sa 425 eye patients na ginamot sa Gokotan at Nuangan, kung saan may residente ring mga miyembro ng Moro National Liberation Front, ang nabigyan din ng mga libreng reading glasses.

 

Show comments