Hepe ng Imus Police, sibak din sa viral video
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Sinibak din sa puwesto ang hepe ng Imus City Police dahil sa viral video na nagpapakita sa mga tauhan nito na niraransak ang bahay ng isang retiradong propesor sa kanilang isinagawang drug operation sa Barangay Alipan 1-A, Imus City, nitong Miyerkules.
Sa inilabas na relief order mula sa tanggapan ni Calabarzon Police director, Brig. Gen Carlito Gaces, papalitan ni Lt. Col Jack Angog bilang officer-in-charge, si Lt. Col. Michael Batoctoy na inalis sa puwesto bilang chief of police ng Imus Police Station.
Ayon kay Col. Christopher Olazo, Cavite police director, si Batoctoy at ang team leader ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na nagsisilbi ring Deputy Chief of Police ng Imus Police station na si Major Alexes Tuazon kasama ang walong tauhan na pawang nasibak ay naitalaga sa Provincial Administrative and Resource Management Unit (PHAS).
Magugunita na binira ng netizens ang walong pulis-SDEU matapos mag-viral sa social media ang isang video na-post na nagpapakita ng kanilang puwersahang pagpasok at pangungulimbat ng gamit sa bahay ng 67-anyos na retiradong guro kung saan target nila sa operasyon ang anak nito na naaresto dahil sa illegal na droga.
- Latest