Mayon, muling nagbuga ng higit 2K toneladang asupre
MANILA, Philippines — Nananatili pa ring nasa Alert Level 3 ang bulkang Mayon dahil sa patuloy na ipinakikitang intensified o magmatic unrest sa nakalipas na 24-oras at pagbuga pa ng mas maraming sulfur dioxide at lava mula sa crater nito.
Sa 5:00am bulletin na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, nabatid na nasa average na 2,379 tonelada ng volcanic sulfur dioxide (S02) ang ibinuga ng bulkan noong Sabado. Ito ay pagtaas sa mahigit 1,602 tonelada lamang na ibinuga nito noong Biyernes.
Nagkaroon ng panandaliang lava ejection dakong alas-4:42 ng madaling araw kahapon, na tumagal lamang ng 35 segundo, na sinamahan pa ng seismic at infraround signals.
Naobserbahan ang mabagal na pagdaloy ng lava na may habang 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully, 3.4 kilometro sa Bonga Gully, at 600 metro naman sa Basud Gully, gayundin ng pagguho ng lava na hanggang apat na kilometro mula sa crater.
Anang Phivolcs, nakapagtala rin sila ng 185 volcanic earthquakes, 92 volcanic tremor events na may habang dalawa hanggang 9 na minuto; 152 rockfall events at isang Pyroclastic Density Current (PDC).
Mayroon ding katamtamang pagsingaw o plume na napapadpad sa hilagang silangan habang patuloy pa rin ang pamamaga ng bulkan na may panandaliang pag-impis ng silangang bahagi.
Anang Phivolcs, nananatili pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong radius permanent danger zone (PDZ), gayundin ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
- Latest