Hindi pinautang, nag-amok
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang lady guard nang barilin ng kanilang kabaro na lango sa alak matapos itong magwala nang hindi pautangin ng isa sa mga biktima sa ospital na kanilang pinagtatrabahuhan sa Santiago City, Isabela nitong Huwebes.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor ng Southern Isabela Medical Center ang kanilang guwardiya at mga biktimang sina Ruby Joy Sapaula, 36-anyos at Alpha Joy Dela Pena, 37, dahil sa tinamo nilang tama ng bala sa katawan.
Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si Randolf Cadang Lacaden, 40, at residente ng Barangay Balintocatoc, Santiago City.
Lumilitaw na lasing ang naka-off duty na si Lacaden nang dumating siya sa ospital bandang alas-3 ng tanghali.
Makikita sa CCTV ng ospital na nilapitan ni Lacaden si Sapaula at kinausap upang utangan. Subalit ang pag-uusap nila ay nauwi sa pagtatalo nang hindi pagbigyan ni Sapaula ang suspek.
Dala ng galit, binunot ng suspek ang nakasukbit na baril ng biktima at malapitan itong pinutukan.
Mabilis itong umalis pero nadaanan niya si Dela Pena at binaril din ito bago tumakas.