Lava sa Bulkang Mayon, patuloy ang pagdaloy
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-agos ng lava mula sa Bulkang Mayon sa Albay bagama’t mabagal, na may habang 2.8 kilometro sa Mi-isi Gully at sa Bonga Gully at may 600 metro sa Basud Gully gayundin ng pagguho ng lava hanggang 4 kilometro mula sa bunganga ng bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagtala ang bulkan ng 184 volcanic earthquakes, 156 rockfall events at apat na pyroclastic density current events.
Ang bulkan ay nagluwa ng 2,047 toneladang asupre at nagkaroon ng katamtamang pagsingaw na napadpad sa timog-silangan at silangan-timog-silangan.
Mayroon ding pamamaga ng bulkan na may panandaliang pag-impis ng silangang bahagi nito.
Dulot nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa loob ng 6-kilometer danger zone dahil sa banta ng pagguho ng bato, pagtalsik ng mga tipak ng lava o bato, pag-agos ng lava at katamtamang pagputok gayundin ng pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan sa may dalisdis ng bulkang Mayon.
- Latest