Sa mga pantalan sa Kabikulan
LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Umabot sa 3,104 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa buong Kabikulan matapos ipagbawal kahapon ng Philippine Coastguard ang paglalayag ng lahat ng sasakyang pandagat dahil sa bagyong “Egay”.
Sa datos ng Office of Civil Defense-Bicol regional office, sinabi ng tagapagsalita na si Gremil Naz na pinakamarami ang naitalang stranded ay sa Matnog Port sa Matnog, Sorsogon na umabot sa 1,807 katao; Pio Duran Port sa bayan ng Pio Duran, Albay na 553; Tabaco Port sa Tabaco City, 410; Pilar Port ng Pilar, Sorsogon na 253 stranded; Mintac Port ng Cataingan, Masbate na 62; lima sa Virac, Catanduanes; habang tig-2 ang Cawayan at Aroroy Port sa lalawigan ng Masbate.
Ayon kay Naz, umabot din sa 477 na trucks ang stranded at 16 na barko dahil sa bagyo sa naturang rehiyon.
Sinabi naman sa report ni Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-7 ng umaga kahapon ay hindi na madaanan ang Bato Road sa bayan ng Bato, Catanduanes dahil sa pagkakaroon ng landslide.
Nagkaroon naman ng flashfloods sa Brgy. Mayngawayan sa bayan ng San Andres dahil sa malakas na ulan na sinabayan pa ng high tide.
Simula noong Sabado ay isinailalim na ng OCD-5 sa pangunguna ni Regional Director Yucot sa red alert status ang buong rehiyon at pinaghahanda ang lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na kasapi ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council na ihanda na ang kanilang response team at mga disaster response equipment pati na ayuda sa mga maaapektuhan ng bagyo.