CAVITE , Philippines — Patay ang isang wanted person na may patung-patong na kaso makaraang manlaban umano sa inilatag na warrant operation habang sugatan ang naging asset ng raiding team, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Kaong Silang Cavite.
Hindi na naisalba pa sa pagamutan ang suspek na nakilalang si Ronnie Edondo Kilme, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Kaong, Silang, Cavite.
Sugatan naman at kasalukuyang inoobserbahan ang confidentail informant ng pulisya na itinago sa pangalang alias robot.
Sa ulat kay Police Sergeant Menervin M. Castillo, may hawak ng kaso, alas 5:20 ng hapon ng ilatag ng Intel Operative at Warrant Section ng Silang police ang warrant operation laban sa suspek.
Bitbit ng grupo ang mga warrant of arrest para sa mga kasong murder na walang piyansang inirekomenda na inisyu ni Dennis Jusi Rafa, presiding judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region Branch 154, Biñan City, Laguna at frustrated murder na may Criminal Case Number TMCR-378-10, TMCR-379-10 na inisyu naman ni Purification Baring Tuvera, presiding judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region Branch 23, Trece Martires City at may piyansang P200,000 para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Pagdating ng grupo sa lugar kung saan namataan ang suspek, hindi pa man nakakalapit nang husto ang mga awtoridad ay sinalubong na umano sila ng sunud-sunod na putok ng baril mula sa suspek.
Dito na nauwi sa engkuwentro at habulan hanggang sa masukol ang suspek matapos tamaan ng mga bala sa katawan.
Agad naman itong itinakbo ng pulisya sa Carsigma Hospital subalit hindi na rin nailigtas pa.
Narekober sa suspek ang cal 45 pistol na loaded ng isang magazine at mga bala.