Ex-Moro guerillas tumanggap ng P83 milyong fishing, farming equipment
COTABATO CITY, Philippines — Malaking bilang ng mga dating Moro guerillas sa Midsayap, Cotabato ang makikinabang sa mga fishing at farming equipment na nagkakahalaga ng P83 million na ipinagkaloob sa kanila upang maging produktibo matapos lumaban sa pamahalaan ng may tatlong dekada.
Sa pahayag nitong Sabado ni Aliman Mantato, 43-anyos na kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), siya at ang kanyang pamilya ay nagalak sa equipment support mula sa Ministry of the Interior and Local Government-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MILG-BARMM) na kailangan upang mas mapadali ang kanilang pagtatanim ng mais at palay.
Ang nasabing mga equipment para sa mga magsasaka sa ilang Bangsamoro barangays sa Midsayap sa probinsya ng Cotabato na sakop ng Region 12 ay kinabibilangan ng 10 tractors na may hydraulic na mga araro at mga rice at corn planters, walong combine harvesters at 10 na mga de-makinang rice at corn harvesters.
Kasama rin sa equipment grant ang 300 na mga bangkang pangisda na may makina at mga gamit na panghuli ng isdang tabang sa Liguasan Delta na malapit sa mga Bangsamoro barangays sa Midsayap.
Ang biyudang si Badria Manalasal, kabiyak ng MILF member na napatay ng mga sundalo sa isang engkuwentro noong Hulyo 10, 1997, ay naniniwala na mas dadami ang huli ng kanyang dalawang anak ng isdang tabang sa Liguasan Delta ngayong pagkakalooban sila ng de-makinang bangka na may gamit sa pangingisda.
Pinasalamatan ni Manalasal si Bangsamoro Local Government Minister Naguib Sinarimbo at Regional Chief Minister Ahod Ebrahim sa proyektong pagpapaunlad sa kabuhayan ng mga residente ng 63 BARMM barangays sa iba’t ibang bayan ng Cotabato.
Ayon kay Midsayap Mayor Rolly Sacdalan, bagama’t hindi na nila sakop ang mga Bangsamoro barangays, malaki rin ang kabutihang maidudulot ng mga proyekto ng MILG-BARMM dahil ang mga produkto ng mga dating MILF members ay kanilang ibinebenta sa mga negosyanteng nasa sentro ng kanilang bayan.
- Latest