MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Bigong maisalba ng pinagsanib na puwersa ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) Rescue at Moto Rescue ang 1-taong gulang na batang lalaki makaraang malunod sa loob ng kanilang tahanan na nalubog sa tubig baha sa Nimitz Way St. Mc Arthur Village, Brgy. Longos, dito sa siyudad.
Sa inisyal na report ni Moto Rescuer Tony Surat, nakatanggap siya ng tawag mula sa isang concerned citizen mag-aalas-5:00 kamakalawa ng umaga kaugnay sa nalunod na bata kung kaya agad silang rumesponde sa lugar kung saan lubog sa tubig-baha.
Ayon naman kay Alvin Paraiso, rescuer ng CDRRMO, sinikap pa nilang bigyan ng CPR ang batang si Cyruss bagama’t malambot pa ang katawan nito pero hindi na rin siya nailigtas.
Base sa record ng CDRRMO, nakilala ang mga magulang ng nasawing bata na sina Jay-r Paldo 20, tubong Iriga City, construction worker, at Charmie Avenido 23.
Posibleng nahulog mula sa tulugan ang bata, ayon sa ama at nagising pa siya ng ala-1:00 ng madaling araw, habang ang kanyang misis ay bumangon pa at nagtimpla ng gatas ng kanilang beybi bandang alas-3:00 ng madaling-araw.
Kaya laking gulat na lang ng mag-asawa nang makitang nakalutang na sa baha ang kanilang anak.
Nabatid na ilang araw na rin na lubog sa baha na may taas na 3 hanggang 4 na talampakan ang Mc Arthur Village dulot ng sunud-sunod na ulan na dala ng habagat, nakadagdag pa anila dito ang high tide.
Dahil dito, agad namang nagpaabot ng tulong si City Mayor Atty. Christian Natividad sa pamilya ng nasawi.