LOPEZ, Quezon , Philippines — Matapos ang insidente ng pagsabog ng LPG tank sa isang pizza house na ikinasugat ng dalawang empleyado sa bayang ito, isa na namang kahalintulad na insidente ang nangyari na ikinasugat ng dalawang babaeng empleyado sa Barangay Magsaysay, kamakalawa ng umaga.
Ayon sa pulisya, ang panibagong insidente ng LPG leak explosion ay naganap dakong alas-8:00 ng umaga sa kusina ng Tito A’ laundry shop na pagmamay-ari ng isang Ariel Pineda.
Dahil sa nasabing pagsabog, nagtamo ng 2nd degree burns sa iba’t ibang parte ng katawan ang kitchen staff na si Shaira Manuel, 20, ng Barangay Binutas, Calauag, Quezon.
Nagtamo naman ng mga paso at gasgas sa katawan ang helper na si Helen Marcilla, 48 ng Barangay Tan-ag, Lopez, Quezon.
Hinala ng Lopez Bureau of Fire Protection (BFP), maaaring may leak na ang LPG at nang mag-spark ang burner ay doon na nangyari ang pagsabog nang buksan ni Manuel ang switch ng stove.
Magugunita na noong Hulyo 4 ay nagkaroon ng unang insidente ng pagsabog sa kusina ng pizza house sa Barangay Poblacion na ikinasugat ng dalawang crew.
Bunsod nito, nanawagan ang mga otoridad na palagiang tingnan ang hose ng kanilang tangke ng LPG gayundin ang stove at iwasang bumili ng tampered na tangke.