Pagtatanim ng kawayan ng IPs ilulunsad sa Sultan Kudarat
MANILA, Philippines — Pasisimulan ngayong buwan ng mga indigenous people sa Columbio, Sultan Kudarat ang malawakang pagtatanim ng kawayan upang pagkakitaan at dagdag proteksyon sa kalikasan gamit ang isang makinaryang dinesenyo upang mapabilis ang proyekto.
Sa pahayag nitong Linggo ni Columbio Vice Mayor Bai Naila Mamalinta, kanyang pinasalamatan ang Sagittarius Mines Incorporated, mas kilala bilang SMI, sa pag-donate sa kanilang local government unit (LGU) ng isang customized drilling machine na may diesel engine na siya nilang gagamitin sa pagtatanim ng kawayan.
“Malaking bagay ito para sa aming pagtatanim ng kawayan sa ibat-ibang lugar dito sa aming bayan, pati na sa mga gilid ng mga ilog,” pahayag ni Mamalinta sa mga reporters sa Central Mindanao sa online Messenger.
Ang bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat, may malaking populasyon ng mga IPs na Blaan, ay isa sa apat na magkakalapit na mga bayan sa Mindanao na nakatakda ng mag-mina ng copper at gold ang SMI ayon sa pahintulot ng Malacañang.
Ang bayan ng Tampakan sa South Cotabato ang magiging pinaka-sentro ng SMI mining operation na, ayon sa mga mining engineer at mga geologist ng Department of Environment and Natural Resources, ay may hindi bababa sa US$ 200 billion na halaga ng copper at gold deposits.
Ayon kay Mamalinta, hinatid ng mga kinatawan ng SMI ang drilling machine nitong Hulyo 11 at personal na tinanggap sa isang turn over ceremony ng kanilang mayor na si Tondatu Mangudadatu.
Ayon kay Mamalinta at ng LGU officials ng Tampakan, Malungon at Kiblawan, bagama’t hindi pa nakapagsimula ng mining operations ang SMI mula pa noong 1995, ito ay gumastos na ng P2 billion para sa mga medical, social welfare at education projects nito para sa mga residente ng apat na bayan na magiging sakop ng napipintong pagmimina nito.
- Latest