OAS, Albay, Philippines — Dalawa katao ang patay matapos banggain ng rumaragasang bus ang kasalubong na pickup truck sanhi upang mahulog sa sapa sa kahabaan ng Maharlika National Highway ng Brgy. Ilaor Sur sa bayang ito kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nicolas Colon Salcedo, 29-anyos, kontraktor, binata, residente ng Brgy. Centro Occidental at Franklin Niño Pepino Sarte, 18-anyos, residente ng Brgy. Ilawod; pawang sa bayan ng Polangui, Albay.
Sugatan naman ang isa pang pasahero ng pickup na si Kristel Bardovia Verga, 23-anyos.
Sa ulat, dakong alas-12:20 ng madaling araw kahapon galing Kamaynilaan ang Isarog Bus Lines (NAN-8020) na minamaneho ni Vicente Lachica Tevar, 43-anyos, ng Brgy. Santiago, General Trias City, Cavite patungong Legazpi City.
Gayunman, sinubukan ng bus na mag-overtake sa sinusundang trailer truck dahilan para mabangga nito ang kasalubong na pickup truck na Nissan Navarra (NAW-5180) na minamaneho ni Salcedo.
Sa lakas ng pagkakabangga, wasak na tumalsik ang pickup at nahulog sa sapa sa tabi ng kalsada.
Pinaniniwalaang maliban sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan dahil sa aksidente ay nalunod sina Salcedo at pasahero nitong si Sarte.
Sinubukang isugod ang mga biktima sa Josefina Belmonte Duran Memorial Albay Provincial Hospital sa Ligao City pero ideneklarang dead-on-arrival ang dalawang biktima habang patuloy na ginagamot si Verga.
Patong-patong na kaso ang kinakaharap ng driver ng bus na si Tevar na hawak na ng Polangui Police.