PAGADIAN CITY , Philippines — Dalawang manggagawa ang patay habang isa pa ang isinugod sa pagamutan matapos matabunan ng lupa at tipak ng mga bato mula sa gumuhong burol sa Barangay Balintawak, dito sa lungsod nitong Lunes ng hapon.
Parehong wala nang buhay ang mga obrerong sina George Masayon at ang kasamang si Julien Apamen nang mahukay mula sa makapal na lupa at mga batong dumausdos mula sa gilid ng burol sa likuran ng isang warehouse na pag-aari ng kanilang among may hardware store sa Barangay Balintawak.
Ginagamot na sa hospital ang isang kasamahan ng mga nasawi na inabutan din ng pagguho na si Harris Pua na nagtamo ng mga sugat at mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan.
Unang bumuhos ang malakas na ulan nagpa-ulit-ulit sa kapaligiran na dahilan ng paglambot ng lupa sa burol hanggang sa magkaroon ng landslide at mabilis na tumabon sa may warehouse kung saan nagtatrabaho sina Masayon at Apamen.
Sa ulat nitong Martes ni Richard Fabria, pinuno ng Pagadian City Disaster Risk Reduction and Management Office, nililinis ng mga biktima ang isang drainage canal sa likuran ng warehouse na malapit sa isang burol nang maganap ang landslide pasado alas-4:00 ng hapon nitong Lunes.
Nagpahayag ang Pagadian City local government unit ng kahandaang magbigay ng financial assistance sa mga pamilya ng mga landslide victims kasabay ng panawagan sa may-ari ng warehouse na magpaabot din sa kanila ng katulad na ayuda.