MANILA, Philippines — Dalawang pulis at tatlong sibilyan ang inaresto dahil umano sa pangingikil sa isang Egyptian national na inakusahan ng panggagahasa sa Dasmarinas City, Cavite nitong Huwebes ng gabi.
Sina Police Cpl. Roderick Bajado at Staff Sgt. Randy Batonhinog ay sinibak na rin sa kani-kanilang puwesto sa Dasmariñas at Imus City Police Stations matapos silang maaresto ng mga operatiba ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).
Sa ulat ni IMEG director Brig. Gen. Warren de Leon, ang dalawang nasabing pulis kasama ang mga sibilyang sina Nemecio Sevilla, Jacquiline Rubenacia, at Jessa Rose Dalsaitan ay dinakip sa Barangay Salitran IV dakong alas-6 ng gabi.
Sinabi ni De Leon na hina-harass ng mga pulis at mga kasamahan ang Egyptian national mula sa Dasmariñas na kanilang binabantaang kakasuhan ng rape kung hindi magbabayad sa kanila ng P200,000.
Ang Egyptian ay itinatanggi ang alegasyong panggagahasa laban sa kanya at sinabi sa imbestigador na binantaan pa siya ni Cpl. Bajado na ipakukulong at sisirain ang kanyang reputasyon sa social media kapag hindi makapagbibigay ng hinihirit na pera.
Bunsod nito, agad na ikinasa ng IMEG ang entrapment operation kasama ang biktimang dayuhan laban sa mga suspek.
Agad pinosasan ang dalawang pulis at tatlong kasamahan matapos nilang tanggapin ang P112,000 marked money mula sa biktima.
Inihahanda na ang kasong robbery extortion laban sa mga suspek at mahaharap din sa dismissal proceedings ang dalawang pulis.