11-anyos nene pinatay, tinabunan ng dahon

Nakita ang bangkay ng biktimang si Annalyn (hindi tunay na pangalan) na may mental disability at residente ng Balanga City sa masukal at madamong bahagi ng barangay Mulawin noong Sabado ng hapon sa nasabing lugar.
The STAR/ File

MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng 11-anyos na batang babae na unang napaulat na nawawala matapos isama sa pagsisimba ng kanyang kapatid makaraang matagpuang patay na at natatabunan ng tuyong dahon ang na­aagnas na katawan sa Orani, Bataan.

Nakita ang bangkay ng biktimang si Annalyn (hindi tunay na pangalan) na may mental disability at residente ng Balanga City sa masukal at madamong bahagi ng barangay Mulawin noong Sabado ng hapon sa nasabing lugar.

Ayon sa kapatid ng biktimang si Amor, isinama umano sa pagsisimba ang biktima noong ika-25 ng Hunyo dakong alas-8:30 ng umaga subalit biglang nawala ito at hindi na nakita pa.

Lumipas pa umano ang mga araw ay hindi nila matagpuan ang nawa­walang kapatid hanggang sa magtapat umano sa kanya ang suspek na si Rustom Trinidad na mayroon itong pinatay at sinabi rin kung saan matatagpuan ang katawan ng biktima.

Wala nang inaksa­yang oras ang mga kaanak ng biktima at kaagad na ipinagbigay-alam ito sa pulisya at kanilang tinungo ang lugar.

Dito tumambad sa kanila ang naaagnas nang bangkay ng biktima na tinabunan ng mga tuyong dahon.

Isinailalim sa pagsusuri ang bangkay upang mabatid kung ginahasa ito ng suspek.

Tinutugis na ng pulisya ang suspek na kaagad na tumakas matapos ipagtapat ang kanyang nagawang krimen.

Show comments