HERMOSA, Bataan, Philippines — Sinuspinde ng Sangguniang Bayan (SB) ng may tatlong buwan ang isang barangay captain at anim na kagawad dahil sa umano’y kapabayaan sa trabaho sa bayang ito.
Nabatid na 90-araw ang ipinataw na suspension laban kina Barangay Chairman Rolando Martinez, at barangay kagawad na sina Federico Allanigue, Michael Pasquil, Magdalena Sanchez, Elmer Bautista, Aguinaldo Poblete at Mark Gil Rufo, alinsunod sa inilabas na suspension order na may petsang Hunyo 27, 2023.
Nag-ugat ang suspension order matapos ang imbestigasyon ng SB dahil umano sa pagkunsinti ng mga nasabing opisyal ng barangay sa ilang mga indibiduwal na gamitin para sa kanilang pansariling interes ang covered court ng Barangay Sumalo.
Mahigit anim na buwan nang hindi umano mapakinabangan ng mga residente ang covered court dahil binakuran ng mga nasabing opisyal ng barangay at ilang residenteng kapanalig nila ang nasabing pampublikong pasilidad.
Tatlong beses din umanong binalewala ng mga opisyal ang kautusan ni Mayor Jopet Inton na paalisin ang mga indibidwal na nasa covered court.
Hahalili bilang kapitan ng barangay si Kagawad Zeny Camiling na hindi nakasama sa mga sinuspinde.
Matatandaan na una nang sinuspinde si Martinez nang ireklamo ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nagkaroon ng relasyon sa kanyang misis na nabuntis gayundin ang kasong “syndicated estafa” at “grave coercion” na isinampa laban sa kanila para naman sa panibagong kaso.
Kasalukuyan umanong nagtatago si Martinez kasama ang iba pang indibidwal.