SAN JOSE DEL MONTE CITY, Bulacan , Philippines — Nasa 11 bata kabilang ang dalawang babae ang nalason matapos umanong kumain ng bunga ng “tuba-tuba” sa nasabing lungsod nitong Huwebes ng gabi.
Sa report ni SJDM police OIC P/Lt. Col. Ariel Narboada, nasa 12-anyos ang pinakamatanda habang 5-anyos ang pinakabatang biktima at mga residente ng Alphas Homes, Brgy. Muzon ng nasabing lungsod.
Ayon imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi nitong Hunyo 29 sa nasabing lugar.
Napag-alaman na napagkasunduan ng mga batang magkakalaro na kumain ng bunga ng halamang tuba-tuba na ibinigay sa kanila ng isa nilang kalaro.
Dahil dito, ilang minuto lang ay biglang sumakit ang ulo at nagsuka ng paulit-ulit ang mga batang magkakalaro.
Agad na dinala sa Dr. Jose N. Rodriguez sa Tala, Brgy. 186, Caloocan City ang mga biktima para sa paunang lunas. Kalaunan ay dinischarge rin ng mga doktor ang 9 na biktima habang dalawa ang naiwan para sa patuloy na gamutan sa nasabing ospital.
Sinasabing ang tuba-tuba ay isang halamang may sayantipikong pangalan na Jotropa curcas na kilala bilang lunas sa pasa at tapilok subalit itinuturing din na isa sa mga “poisonous plant species” sa bansa.